Breaking News
Loading...

'The Legal Wife,' Ibabahagi sa Viewers ang Halaga ng Pamilya




Tiniyak ng mga de-kalibreng direktor na sina Rory Quintos at Dado Lumibao na punong puno ng mga aral para sa pamilyang Pilipino ang mapapanood ng primetime viewers sa pinakabago nilang obrang pantelebisyon sa ABS-CBN na "The Legal Wife."

Ayon sa kanila, bukod sa mga malulutong na sampalan at maiinit na komprontasyon, tiyak na tatatak sa mga manonood ang pangunahing mensahe ng serye tungkol sa pagpapahalaga sa pamilya.

"Gusto naming siguruhing sinusubaybayan ng TV viewers ang istorya hindi lang sa mga eksenang sampalan kundi dahil rin sa natututunan nilang harapin ang mga problema ng kani-kanilang pamilya na matagal nilang kinatatakutan," pahayag ni Direk Rory kaugnay ng Primetime Bida teleseryeng pinagbibidahan nina Angel Locsin, Maja Salvador, JC de Vera at Jericho Rosales.

"Tiyak na maraming makakarelate sa mga karakter nina Monica (Angel), Nicole (Maja), Max (JC), at Adrian (Jericho) dahil sinasalamin nila ang nangyayari sa iba't ibang tao sa tunay na buhay. Ang 'Legal Wife' ay tungkol sa pagmamahal at mga sakripisyo na handang gawin ng isang tao para sa kanyang pamilya," paliwanag ni Direk Dado.

Samantala, ayon naman kina Angel, Maja, JC at Echo, maging sila mismo ay maraming natuklasan sa kanilang mga sarili dahil sa istorya ng "The Legal Wife."

"Lahat tayo ay nagmamahal at nagkakamali. Dahil sa karakter kong si Monica, na-realize ko na kailangan kong patatagin 'yung sarili ko para harapin at labanan ang lahat ng pagsubok na dadating sa buhay ko, lalo na kung para sa ikabubuti ng pamilya ko," pahayag ni Angel.

Para naman kay Echo, ang kwento ng "The Legal Wife" ay magsisilbing isang magandang eye-opener para sa mga Pilipino. Aniya, "Napakasensitive na topic ang infidelity pero naniniwala ako na ito na ang panahon para maunawaan ng lahat kung bakit ito nangyayari at kung bakit humahantong sa ganitong sitwasyon 'yung ibang tao."

Dagdag ni Maja, bagama't medyo kontrobersyal ang kanyang karakter na si Nicole ay alam niyang marami ang makakaintindi dito. "Mayroong iba't ibang klase ng pag-ibig, pero kahit anong mangyari, meron pa rin magmamahal at tatanggap sa'yo nang buong buo kahit pa ano 'yung mga nagawa mo," sabi ng aktres.

"Para sa akin, mas na-appreciate ko 'yung love para sa pamilya at ibang tao dahil kay Max, dahil kayang kaya niyang ibigay ang lahat para sa mga mahal niya nang walang hinihiling na kapalit," pahayag ni JC.

Tampok sa "The Legal Wife" ang kwento ng pag-iibigan nina Monica at Adrian na susubukin ng isang pagkakamali. Paano pa matutupad nina Monica at Adrian ang kanilang mga pangako ng habambuhay para sa isa't isa kung ang pundasyon ng kanilang pagmamahalan ay nawasak na?

Bahagi rin ng cast ng "The Legal Wife" ang ilan sa pinakamahuhusay na aktor sa larangan ng drama kabilang sina Joem Bascon, Ahron Villena, Rio Locsin, Mark Gil, Maria Isabel Lopez, Bernard Palanca, at Christopher de Leon.

Huwag palampasin ang pagsisimula ng "The Legal Wife" ngayong Lunes (Enero 27) na sa Primetime Bida ng ABS-CBN.

0 comments :

Post a Comment

Copyright © 2013 Pinoy Power All Right Reserved