Breaking News
Loading...

Robi Domingo, Doble ang Paghahanda Bilang Challenge Master sa 'Biggest Loser Pinoy Edition Doubles'




Maituturing na isang in-demand na host si Robi Domingo matapos maging bahagi ng sunud-sunod na reality shows ng ABS-CBN. Ngunit mabigat at kakaiba ang hamong dala ng pagiging challenge master niya sa "The Biggest Loser Pinoy Edition Doubles" dahil kailangan niyang ring maging fit para magampanan nang maigi ang kanyang papel sa show.

"Hindi madaling maging parte ng show dahil si Matteo (Guidicelli), marami nang nasalihang triathlon competitions, si Iza (Calzado) kilalang fitness enthusiast, tapos sina coach Jim at Toni Saret pa. Kaya kailangan ko ring mag-work out nang mas maigi bukod pa sa nakasanayan kong training," pahayag ni Robi.  

Bilang paghahanda, nagbasa rin ng libro si Robi tungkol sa iniisip at nararamdaman ng mga taong gustong magpapapayat. "Kailangan kong malaman kung ano ang tumatakbo sa isipin nila, para alam ko kung paano sundutin ang mga emosyon nila," ani Robi.

Makakasama ni Robi si Matteo sa pagbibigay ng challenges sa 14 pares ng bigating Pinoy na maglalaban-laban tungo sa kanilang pangarap na maging fit at magkaroon ng mabuting kalusugan.

"Role ko rito ang gabayan sila mula sa pagiging isang malaking tao na maraming dinadala hanggang maging isang taong may isang malaking puso," aniya.

"Dito hindi lang namin tutulungan silang pumayat pero tutulungan din naming hilumin ang mga sugat na natamo nila emotionally. Nandito kami para ipa-realize sa kanila na ito ang nangyari sa buhay nila, pero may magagawa sila. Walang nang dahi-dahilan," dagdag ni Robi.

Makakatuwang niya rito ang nagbabalik na fitness coach na si Jim Saret, na magiging kasangga sa edisyong ito ang kanyang asawang si Toni Saret upang isailalim ang contestants sa puspusang training.

"Isang malaking karangalan na maging bahagi ulit ng show na maraming nababagong buhay, nai-inspire na mga tao, at malayo ang nararating, worldwide. Mas doble pa ang honor na maimbitahan ulit na maging coach sa show lalo pa't kasama ko na rin ang asawa ko," sabi ni coach Jim.

Sa kabila nito, aminado si coach Jim na doble rin daw ang pressure sa kanilang dalawa na mapapayat at may makitang malaking pagbabago sa mga bigating contestant dahil nakataya raw rito ang pangalan nilang mag-asawa.

"Pero sobrang excited din namin, kasi kilala na namin ang isa't isa at gamay na gamay na ni Toni kung ano ang standards ko. Ibibigay namin ang 200 percent namin para maging successful ang show," pahayag ni coach Jim.

Ayon naman kay coach Toni, mas marami pang Pilipino ang mahihikayat na mag-ehersisyo ng "Biggest Loser Doubles."

"Sa lahat ng workouts na ipapagawa namin, magugulat kayo sa pwedeng gawin ng katawan niyo. Hindi pa ito nagagawa ng kahit anong version sa kahit anong bansa sa kasaysayan ng Biggest Loser franchise, at 'yan ang dapat ninyong abangan. Dadalhin namin ang fitness sa lahat ng Pilipino," aniya.

Itinuturing na kakaiba ni coach Toni ang edisyong ito dahil bibigyang diin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng partner sa pagpapapayat para hindi basta-bastang sumuko.

"May tulungan, may concern. Hindi lang ikaw para sa sarili mo. Mas mahalaga ngayon dahil ang lahat ng gagawin ng isang mag-partner, pwedeng makasira o makabuti sa samahan nila," diin ni coach Toni.

Sa Pebrero 3, ipapakilala na ng host na si Iza Calzado ang 14 pares ng bigating Pinoy na  titira sa loob ng isang camp kung saan sila'y sasanayin upang makuha ang mas malusog na pangangatawan.  

Inaasahang uudyukin ng mga miyembro ng bawat pares ang isa't isa na gawin ang lahat upang manatili ang kanilang koponan sa kumpetisyon kaya't masusubok din ang kanilang samahan bilang magkapamilya, magkaibigan, o magkabiyak.  

0 comments :

Post a Comment

Copyright © 2013 Pinoy Power All Right Reserved