Breaking News
Loading...

Mayor Junjun at Sen. Nancy: Hindi Madaling Maging Isang Binay




Madalas daw maging tampulan ng panghuhusga at kritisismo kaya naman parehong iginiit ng magkapatid na sina Mayor Junjun Binay at Senator Nancy Binay na hindi ganoon kadali dalhin ang apelyidong Binay.

Kaugnay ito ng kontrobersyal na insidente sa Dasmariñas Village, kung saan inulan ng negatibong komento si Mayor Junjun sa social media matapos niya umanong sindakin ang ilang village guards doon na hinarang ang convoy ng apat niyang sasakyan at hindi papasukin sa isa sa mga gate nito. Diumano ay tinanong daw ng “Don’t you know me?” ni Mayor Junjun ang mga guwardiya. 

Mariin itong itinanggi ni Mayor Junjun at nilinaw niyang hindi niya ginagamit ang posisyon para makapanlamang. Dagdag niya, maling ulat ang napabalita kaya nag-ugat ang insidente sa hindi magagandang komento mula sa publiko. 

“Makikita mong may problema iyong istorya na ginawa nila. Madaling kainin ng publiko, madaling gawing pulutan. Siyempre, mas gusto ng mga tao 'yung may mga ‘Do you know me, do you know me.’ Mas may lasa,” paliwanag ni Mayor Junjun sa “Tapatan Ni Tunying” na mapapanood ngayong Huwebes (Feb 20). 

Sinigundahan naman ito ni Sen. Nancy, na nasa convoy din nang maganap ang insidente, at pinabulaanan din ang isyu. 

“Yung hirit ko kay Mayor Junjun, ‘Ikaw kasi, bumaba ka pa! Yan tuloy, nakita na hindi tayo mukhang pang-village,’” kwento ni Sen. Nancy. 

Naniniwala rin ang senadora na nag-ugat ang diumano’y mga paninira para puntiryahin ang kanilang amang si Vice President Jejomar Binay na posibleng kumandidato bilang presidente sa 2016 elections. 

“Siya mismo hindi matibag, kaya naman ang nangyayari ngayon, kaming nakapaligid sa kanya, baka kung kami 'yung siraan, baka kahit papaano maapektuhan 'yung ratings niya,” saad niya. 

Huwag palampasin ang “Tapatan ni Tunying” (TNT) ngayong Huwebes, 4:45 PM sa ABS-CBN Kapamilya Gold. Para sa updates, sundan ang @TNTunying sa Twitter o i-like ang www.facebook.com/TNTunying

0 comments :

Post a Comment

Copyright © 2013 Pinoy Power All Right Reserved