Breaking News
Loading...

Higit sa 700,000 Pamilyang Apektado ni 'Yolanda,' Natulungan ng Sagip Kapamilya




Dahil sa maigting na bayanihan ng mga Pinoy at pati na ng ibang nasyon, umaabot na sa 724, 995 pamilyang apektado ng Bagyong Yolanda ang natulungan ng Sagip Kapamilya ng ABS-CBN, 100 araw makalipas itong tumama sa bansa noong Nobyembre 2013.
 
Bukod sa tuloy-tuloy na relief operation sa 14 na probinsya sa Visayas at Mindanao, layunin din ng Sagip Kapamilya na patuloy na hubugin ang mga kabataang matuto sa kabila ng pinagdaanan nilang trahedya. Sa katunayan, sinimulan na nito ang pagbuo ng mga silid-aralan at nakapagpamahagi na rin ng school supplies sa mga mag-aaral.

"Mayroon na tayong mga uumpisahang paaralan. Siguro sa susunod na dalawang buwan, makakatapos tayo ng mga sampu hanggang 15 na silid-aralan," sabi ng program director ng Sagip Kapamilya na si Tina Monzon-Palma.

Bukod sa edukasyon ay umaagapay din ang Sagip Kapamilya para muling ibangon ang kabuhayan ng mga nasalanta. Nakapagpamahagi na ito ng mahigit sa 100 bangka sa ilang pamilya sa Basey, Samar at Dulag, Leyte. Meron pang 4,000 bangka ang nakatakdang ipamigay sa iba pang coastal areas sa nasabing mga probinsya.

Sa kasalukuyan ay nakalikom na ng P701 milyong cash donations at P250 milyong halaga ng in-kind donations ang Sagip Kapamilya.

Sa kabila ng dami ng nalikom na donasyon, matindi pa rin ang tulong na kailangang iabot sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda.

“Akala natin na malaki na ang nakuha nating tulong, pero hindi humihinto ang pangangailangan nila para sa araw-araw," saad ni Palma.

0 comments :

Post a Comment

Copyright © 2013 Pinoy Power All Right Reserved