Breaking News
Loading...

Tambalang Julia Barretto at Enrique Gil, Sisibol sa Fantaseryeng 'Mira Bella'




Handa na ang Kapamilya stars na sina Julia Barretto at Enrique Gil para bihagin ang puso ng TV viewers ng ABS-CBN sa kauna-unahan nilang primetime teleseryeng pagtatambalan, ang "Mira Bella" na magsisimula nang umere ngayong Marso. 

"Lahat naman po ng artista, lalo na ang mga baguhang katulad ko, nangangarap na magkaroon ng sarili nilang teleserye, kaya ngayon pong binigyan ako ng ABS-CBN ng pagkakataong ito, gagawin ko po talaga ang best ko para mapaganda ang show namin,” pahayag ni Julia. 

Inamin naman ni Enrique na katulad ni Julia ay excited na rin siya para sa pagsisimula ng “Mira Bella.” Aniya, “Bagong experience siya sa akin kasi una kong fantaserye ito. Excited ako sa bagong lessons, bagong mga katrabaho, at sa bago kong character. Refreshing siya para sa akin.” 

Samantala, naniniwala sina Julia at Enrique na mae-enjoy ng mga manonood ang kwento ng kanilang upcoming fantaserye sa ABS-CBN. Ani Julia, “Tamang tama po para sa nalalapit na summer season ang ‘Mira Bella’ dahil iikot ang istorya nito sa pamilya, sa pag-ibig, at sa pagtanggap sa sarili sa kabila ng panlabas na kaanyuan. Sigurado pong maraming matututunan ang TV viewers, lalo na po ang mga kabataan.”

Gagampanan ni Julia sa “Mira Bella” ang karakter ng isang dalagang sinumpa na magkaroon ng balat na tulad ng isang kahoy na si Mira, na palihim na iniibig ng kanyang bulag na kaibigan na si Jeremy (Enrique). 

Sa kabila ng kanyang kakaibang katangian, lalaki si Mira na mabait at masunurin dahil sa pagmamahal ng mga magulang na umampon sa kanya na sina Osang (Pokwang) at Paeng (John ‘Sweet’ Lapus). 

Bukod kina Julia, Enrique, Sweet, at Pokwang, tampok din sa “Mira Bella” sina Sam Concepcion, Mylene Dizon, James Blanco, Mika dela Cruz, at Gloria Diaz. Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Erick Salud, Jojo Saguin, at Jerome Pobocan. 

Ang “Mira Bella” ay ang pinakabagong obra ng Dreamscape Entertainment Television, ang grupong lumikha ng phenomenal TV program na “Walang Hanggan,” top-rating superhero teleserye na “Juan dela Cruz,” at ng malapit nang magtapos na “Honesto.” 

Abangan ang pagsibol ng naiibang kwento ng pag-ibig sa “Mira Bella” ngayong Marso na sa Primetime Bida ng ABS-CBN. 

Para sa karagdagang impormasyon kaugnay ng “Mira Bella” bisitahin lamang ang official social media accounts ng programa sa Facebook.com/MiraBellaOnline at Twitter.com/MiraBellaOnline.

0 comments :

Post a Comment

Copyright © 2013 Pinoy Power All Right Reserved