Breaking News
Loading...

'Meteor Garden' Magsisimula sa Lunes sa ABS-CBN at Jeepney TV




Magaganap na ang ultimate throwback ng taon sa telebisyon sa pagbabalik ng Asianovelang minahal ng maraming Pilipino, ang “Meteor Garden,” ngayong Lunes (Mar 31) sa ABS-CBN at JeepneyTV.

Sa unang pagkakataon, mapapanood ang Asianovelang nagsimula ng lahat sa dalawang channels kaya naman hindi lang isang beses, kung hindi dalawang beses ng mapapanood ang kinahumalingang kwento ni Shan Cai (Barbie Xu) at ng nagagwapuhang F4 na sina Dao Ming Si (Jerry Yan), Hua Ze Lei (Vic Zhou), Mei Zuo (Vanness Wu), at Xi Men (Ken Zhu). Mas matagal din silang makakabonding tuwing hapon at gabi dahil hindi lang 30 minuto kung hindi isa’t kalahating oras din na matutunghayan ang nagbabalik-telebisyong Taiwanese series.

Ang espesyal na handog na ito ay bahagi ng pagdiriwang ng mahigit sampung taon ng Asianovela sa Philippine television. Ito ay para sa “Meteor Garden” generation na talaga naming nabaliw sa serye noong 2003 at para na rin sa bagong henerasyon ng mga manonood na tiyak mahu-hook din sa nakakakilig nitong love story.

Sariwain ang kakaibang hairstyle at fashion trends pati na ang nakaka-LSS na theme songs at balikan ang Ying De University kung saan naghahari ang F4 o Flower Four.

Kilabot na grupo ang F4 at ang sinumang hindi nila magustuhan ay nakakatanggap mula sa kanila ng Red Card.  Ito ang magbibigay pahintulot sa lahat ng estudyante para i-bully hanggang umalis ang estudyanteng nakatanggap ng card.

Isa sa makakatanggap nito ay ang simple ngunit palabang si Shan Cai. Hindi ninais ni Shan Cai na pumasok sa Ying De at makihalubilo sa mga anak mayamang naroon, pero dahil sa kagustuhan ng ina ay mapipilitan siyang mag-aral dito.

Magsisimula maging impyerno ang buhay ni San Chai nang bigyan siya ng Red Card at apihin ng halos lahat ng makakasalubong niya. Ngunit sa kabila nito, mananatili siyang matatag hanggang sa unti-unti niyang makuha ang respeto ng F4. Magbabago ang takbo nang lahat ng mahulog ang loob sa kanya ng lider mismo ng grupo na si Dao Ming Si. Pero paano rin kaya magbabago ang samahan ng magkakaibigan kung pati si Hua Ze Lei ay mahulog rin para sa dalaga?

Huwag palalampasin ang muling pag-uumpisa ng meteor fever sa bansa ngayong Lunes (Mar 31) sa pilot telecast ng “Meteor Garden” sa ABS-CBN, 3:15 PM pagkatapos ng “Moon of Desire,” at sa JeepneyTV(SkyCable ch 9), sa ganap na 8 PM.

0 comments :

Post a Comment

Copyright © 2013 Pinoy Power All Right Reserved