Sasalubungin ng ABS-CBN ang summer gamit ang naglalakihang mga ngiti mula mismo sa mga ordinaryong Pilipinong bibigyang pugay sa pinakabagong summer station ID ng Kapamilya Network na mapapanood na sa Linggo (Mar 30) sa “ASAP 19.”
Pinamagatang “PINASmile: Masayang Muli ang Kwento ng Summer Natin,” ibibida ng 2014 summer station ID ang bansa bilang natatanging destinasyon na tunay na maipagmamalaki ang kagandahan at makulay na kultura sa bawat rehiyon pati na rin ang mga kwento sa likod ng nakakahawang ngiti ng mga Pinoy.
“Palagi pa ring nakangiti ang mga Pilipino sa kabila ng hirap ng buhay. Nakakahanap tayo ng kaligayahan maging sa maliliit na bagay. Marunong tayong magpasalamat at naniniwala tayo sa kabutihan ng mga puso ng kapwa natin. Kaya naman sa kabila ng kalamidad na kinaharap ng bansa ay nananaig ang pagiging positibo ng mga Pilipino,” sabi ni ABS-CBN Creative Communications Management head Robert Labayen.
Layunin ng station ID, na inawit at binigyang buhay nina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla, na ilabas at mahuli sa camera ang totoong kaligayahan mula sa simpleng mga mamamayan. Mismong Kapamilya stars at news personalities ang nagsilbing tagakuha ng litrato at nag-ikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa para masilayan ang hindi matatawarang mga ngiting ito.
Naging photographer ang Queen of All Media na si Kris Aquino at nag-selfie pa kasama ang mga babaeng Ivatan sa Batanes, habang nag-ikot ikot naman sa Luneta sina Andi Eigenmann, Bea Alonzo, at Zaijian Jaranilla. Mga ngiti naman ng taga-Mt.Pinatubo ang kinunan ng larawan nina Angelica Panganiban, John Prats, at Zanjoe Marudo.
Kasama rin sa lugar na pinuntahan ang mga probinsyang hinagupit ng mga sakuna partikular na ang Bohol kung saan sinorpresa ang mga taga-roon ni Piolo Pascual, Samar na pinuntahan mismo ni Noli De Castro at Leyte kung saan naman bumisita sina Atom Araullo at Ted Failon.
“Ang mga nakakataba ng pusong mga kwento at maiinit na ngiting ibinigay ng mga tao sa mga lugar na nasalanta ay patunay na matapang at masayahin ang mga Pilipino sa kabila ng lahat ng unos,” paliwanag ni Labayen. “Kaya naman pasayahin nating muli ang kwento ng summer natin at ipakita sa buong mundo na ang Pilipinas ay isang masayang lugar na dapat puntahan at balik-balikan.”
Ang “PINASmile: Masayang Muli ang Kwento ng Summer Natin” theme song ay sinulat nina Robert Labayen, Lloyd Oliver Corpuz, Christer Salire, Revbrain Martin, Jill Cabradilla-Aspiras, Mark Raywin Tome, at Christine Daria Estabillo. Ang musika naman ay nilikha nina Bojam at Thyro ng FlipMusic kasama rin sina RB "Kidwolf" Barbaso at Nica Del Rosario. Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Paolo Emmanuel Ramos at Peewee Gonzales.
Ang 2014 ABS-CBN Summer Station ID ay gawa ng ABS-CBN Creative Communications Management sa pangunguna nina Robert Labayen, Johnny Delos Santos, Patrick de Leon at Ira Zabat. Kabilang sa station ID creative and production teams sina Danie Sedilla-Cruz, Edsel Misenas, Kathrina Sanchez, Dang Baldonado, Tina Barbin, Sheryl Ramos, Christine Joy Laxamana, Christian Faustino, Lloyd Oliver Corpuz, Carlota Rosales, Carla Payongayong, Jonathan Perez, Adrian Lim, Chiz Perez, Raywin Tome, Christine Daria Estabillo, Ermil Sanchez, Mark Bravo, Love De Leon, video editors Lorenz Morales and Con Ignacio, logo designer Roger Villon, logo animation Meryl Miranda, print and graphics design head Carmelo Saliendra, motion graphics and brand identity head Oliver Paler, post production specialists Alfie Landayan at Rap Dela Rea, ABS-CBN TV Entertainment, ABS-CBN News and Current Affairs, ABS-CBN Regional Network Group, Star Magic, at Choose Philippines team.
Bahagi rin ng station ID sina technical and production unit head Jaime Porca, technical promo specialist Antonio Medrano Jr., production designer Joon Ku, recording audio engineer Rick James Payumo, director of photography Rommel Sales, videographers Tim Aguirre, Joseph Delos Reyes, Mico Manalaysay, Sheryl Ramos, Christine Joy Laxamana, Edsel Misenas, at Carla Payongayong, photographer Aileen Gooco, talent casters Mary Ann Rejano at Remy Sotto, location manager Marvin Bragas; at production coordinators Jesusa Canilang at Austin De Guzman.