Breaking News
Loading...

MGA BATA SA PAINTING NA “HAPAG NG PAG-ASA,” KUKUMUSTAHIN NI CHECHE




Kukumustahin ni Cheche Lazaro ngayong Easter Sunday (Abril 20) ang kasalukuyang buhay ng mga batang lansangan na ipininta ng namayapang si Joey Velasco sa "Hapag ng Pag-asa," ang sikat na painting ng Huling Hapunan na imbes na mga Apostoles ay mga batang lansangan ang kasama ni Hesus.

 

Sasariwain din sa dokumentaryong "Cheche Lazaro Presents: Hapag ng Pag-asa" ang buhay ng negosyante at pintor na si Velasco.

 

Maraming nang damdamin ang napukaw ng "Hapag ng Pag-asa" simula nang ito ay ilabas halos siyam na taon na ang nakakalipas. Sumikat ang painting maging sa ibang bansa.

 

Anim na buwan matapos kumuha ng kurso sa pagpipinta si Velasco, sinimulan niyang ipinta ang bersyon niya ng Huling Hapunan sa tulong ng 12 paslit bilang mga modelo na personal niya pang hinanap. Isa't kalahating buwan ang ginugol niya para tapusin ang naturang obra.

 

Makalipas ang tatlong taon, noong 2008, matagumpay niyang natulungan ang mga bata nang mabigyan niya ang mga ito ng tahanan sa Gawad Kalinga village. Ang pangyayaring ito ang nag-udyok kay Velasco upang likhain ang "Hapag ng Pag-ibig," isa na namang ilustrasyon ng Huling Hapunan na kasama muli ang masasayang 12 paslit sa Gawad Kalinga village.

 

Pumanaw si Velasco dahil sa kumplikasyon sa bato o kidney sa edad na 43 noong Hulyo 2010 habang patuloy pa rin ang pagtulong sa mga bata. Ano na ang kinahinatnan ng mga batang lansangan na ninais iahon ng pintor mula sa hirap ng buhay matapos siyang pumanaw?

 

Huwag palampasin ang "Cheche Lazaro Presents: Hapag ng Pag-asa" ngayong Linggo (Abril 20) sa Sunday's Best ng ABS-CBN.

0 comments :

Post a Comment

Copyright © 2013 Pinoy Power All Right Reserved