Breaking News
Loading...

Wildcard Finalist Na Si John Raspado, Kauna-unahang 'I Am Pogay' Grand Winner




Pinangalanang kauna-unahang grand winner ng "I Am PoGay" pageant ang wildcard finalist na si John Raspado ng Baguio City sa grand finals nito noong Sabado (Mayo 10) sa "It's Showtime."

Nagwagi si John ng P300,000 na cash prize, at nasungkit din ang special "Brusko 'Day" Award bilang ang finalist na pinaka-lalaki ang kilos at dating. Pinahanga niya ang mga hurado sa kanyang sagot sa question-and-answer portion kung saan tinanong ang lahat ng finalists kung ano ang ibig sabihin para sa kanila ng puti at blangkong litrato.

"It means rebirth. Para sa akin, maiuugnay ko sa buhay natin ito bilang isang canvass na puti, tapos tayo 'yung magkukulay nun," ani John.

Si Tian Lacsamana naman ang itinanghal na first runner-up at nag-uwi ng P200,000, habang si Oreo Gajasan ang second runner-up na may P100,000.

Samantala, P50,000 ang napanalunan nina Sycris Brown at Ton Villareal, na runners-up bilang bahagi ng Top 5. Si Sycris din ang nagwagi ng "Kumu-Couture" o Best in Formal Wear Award at si Ton naman ang nakakuha ng "Beksfriend" o Friendship Award.

Hindi man nakapasok sa Top 10, nagwagi ng "Pamintalent" o Best in Talent Award si Bench Tionao, base sa talent showdown sa week-long grand finals bago ang finale noong Sabado.

Nagsilbing hurado sa "I Am PoGay" grand finals ang host na si Jhong Hilario, Lani Misalucha, Richard Gomez, Dra. Vicki Belo, at Miss Universe Philippines 2014 Mary Jean Lastimosa.

Inilunsad ang "I Am PoGay" noong Enero upang bigyang pagkakataon ang mga bakla na magpasikatan matapos ang matagumpay na "That's My Tomboy" pageant ng Kapamilya noontime show para sa mga tomboy.

0 comments :

Post a Comment

Copyright © 2013 Pinoy Power All Right Reserved