Breaking News
Loading...

Mga Sikreto sa Pag-ibig at Buhay ni Lino Brocka, Ibubunyag sa 'Inside the Cinema Circle'




Isang nararapat na parangal para sa isa sa mga pinaka-importanteng personalidad sa mundo ng Philippine cinema ang magsisilbing pilot episode ng bagong "Inside the Cinema Circle" ng Cinema One, kung saan tampok ang namayapang direktor at National Artist na si Lino Brocka.

Magsisilbing host ng "Inside the Cinema Circle" ang King of Talk na si Boy Abunda, at ihahatid niya ang unang episode nitong "Mga Anak ni Brocka," kung saan makakasama niya ang ilan sa mga naging katrabaho at kaibigan ni Lino Brocka, mga beterano rin sa industriya na sina Philip Salvador, Bembol Roco, Rio Locsin, at Chanda Romero, na siyang magkukwento ng kasaysayang binuo ng kahanga-hangang direktor.

Kahit ilang taon na ang nakalipas mula nang pumanaw si Brocka, ang kanyang impluwensiya sa mundo ng pelikulang Pinoy ay mananatiling matibay.  Mula noong nagsimula siya bilang direktor ay nakita na kaagad ang kanyang husay sa paggawa ng pelikula. Napansin ito sa kanyang unang nagawang "Wanted: Perfect Mother" na nakatanggap ng Best Screenplay award sa 1970 Manila Film Festival.

Ilang taon lamang makalipas ang kanyang unang pelikula ay lumabas ang isa sa mga sinasabing pinakamahalagang pelikula sa bansa, ang kanyang "Maynila: Sa Kuko ng Mga Liwanag". Nang dahil sa gulat na dala ng husay nito ay nakatanggap ito ng apat na award mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS), kasama ang Best Picture, Best Director, Best Actor, at Best Supporting Actor.

Mas lalong nakilala ang talento ni Brocka nang inilabas niya ang pelikulang "Insiang" noong 1978. Ito ang naging unang naisali ng Pilipinas sa Cannes Film Festival. Naging bahagi rin ng festival ang kanyang "Jaguar" na nakakuha rin ng nominasyon para sa Palm D'Or, at ang "Bona" na kasama sa Cannes' Director's Fortnight sa taong sumunod.

Sa kanyang karera bilang direktor, nakapagdirek si Brocka ng higit sa 40 na pelikula na may iniwang kakaibang tema hindi lamang sa mundo ng pelikulang Pinoy, pero pati na rin sa Pilipinas bilang isang naghihirap na bansa.

Ang pananaw ni Brocka tungkol sa pelikula at sa sining ang nagbunga ng reputasyon niya bilang isang manggagawang may malalim na layunin. Sa isang artikulong sinulat niya, ipinahayag niya na ang isang taong nasa mundo ng sinig ay parating may dahilang higit sa simpleng paggawa. Iniimbestiga ng taong nasa sining ang katotohanan, at layunin niya na maipakita nito sa sambayanan. Para sa kanya, ang inspirasyon ay nararapat na manggaling sa pananaw kung saan may mga problemang dapat lutasin.

Huwag palampasin ang "Mga Anak ni Brocka," ang unang episode ng "Inside the Cinema Circle" na mapapanood sa Cinema One sa Mayo 13 ng 7:30pm. Para sa mga update, i-like ang Cinema One sa Facebook (www.facebook.com/cinema1channel).

0 comments :

Post a Comment

Copyright © 2013 Pinoy Power All Right Reserved