Breaking News
Loading...

Charo Santos-Concio at ABS-CBN, Panalo ng Gold Stevie Awards




Wagi ng Gold Stevie Awards ang ABS-CBN at ang president at CEO nitong si Charo Santos-Concio sa Services Company of the Year at Woman of the Year categories para sa Pilipinas sa prestihiyosong 2014 Asia-Pacific Stevie Awards.

ABS-CBN ang isa sa dalawang kumpanya mula Pilipinas na nagwagi ng Gold Stevie Award ngayong taon. Kinatawan nito ang bansa bilang isa sa 300 na kumpanya at executives sa buong Asia-Pacific region na naglaban-laban sa 18 kategorya ng Asia-Pacific Stevie Awards.

Ang Asia-Pacific Stevie Awards ang unang business awards program sa 22 na bansa sa Asia-Pacific region. Ito ang pinakabago sa lahat ng Stevie Awards programs, kung saan kabilang ang International Business Awards na higit sa isang dekada nang nagbibigay ng karangalan sa iba't ibang kumpanya sa buong mundo.

Pinarangalan ang ABS-CBN para sa patuloy nitong paglilingkod sa mga Pilipino sa loob at labas man ng bansa, lalo na nang tumugon ito sa mga pangangailangan ng mga biktima ng bagyong Yolanda. Inilunsad ng ABS-CBN ang "Tulong Na, Tabang Na, Tayo Na" campaign na naglikom ng pondo sa pamamagitan ng Tulong shirts at ang star-studded na Tulong fund-raising concerts. Nagsagawa rin ang Kapamilya network ng relief at rehabilitation para sa mga nasalanta ng bagyong Pablo, krisis sa Zamboanga, at lindol sa Bohol.

Kinilala naman si Santos-Concio sa kanyang pamumuno sa ABS-CBN, dahilan ng patuloy nitong pamamayagpag sa TV ratings at ang pagpalo sa takilya ng mga pelikula ng Star Cinema, pagtaas ng kita ng kumpanya, at pagsabak nito sa ibang negosyo gaya ng ABS-CBNmobile, ang theme park na Kidzania Manila, at TV home shopping channel na O Shopping, at ang patuloy nitong pagbibigay ng serbisyo-publiko.

Noong 2013, nakatanggap ng pitong Best TV Station awards ang ABS-CBN, habang limang individual awards naman ang nakuha ni Santos-Concio.

Ang lahat ng nagwagi ng Gold, Silver at Bronze Stevie Award ay mabusising pinili ng higit sa 50 executives mula sa buong mundo. Muling pipili ang isa na namang international panel ng mga hurado ng limang Grand Stevie winners mula sa lahat ng Gold winners ngayong buwan at paparangalan ang mga ito sa Seoul, South Korea sa Mayo 30.

0 comments :

Post a Comment

Copyright © 2013 Pinoy Power All Right Reserved