Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa ika-26 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution: Pag-aalay ng bulaklak sa monumento nila Senador Benigno S. Aquino, Jr. at Pangulong Corazon C. Aquino
[Inihayag sa Lungsod ng Maynila, noong ika-25 ng Pebrero 2012]
Vice President Jojo Binay; Mayor Alfredo Lim; members of the Cabinet present: Secretaries Volts Gazmin, Rene Almendras, Sonny Coloma; Senator Nene Pimentel; Commissioner Cesar Sarino of the EDSA People Power Commission; Archbishop Chito Tagle; Bishop Gabby Reyes; Representatives Asilo, Trisha Bonoan-David; Mayor Junjun Binay; General Manager Jose Angel Honrado; Vice Admiral Alexander Pama; local government officials; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong kababayan:
Talagang napakagandang araw po sa inyong lahat.
Nais ko pong magpasalamat sa lahat ng nakikiisa sa atin ngayong umaga sa pag-aalay natin ng bulaklak sa monumento ng aking mga magulang: si Ninoy Aquino at Cory Aquino. Nais man po naming ituring na personal ang pagkakataong ito, batid po nating bahagi na ng kasaysayan ang kanilang mga pangalan.
Naaalala ko pa nga po: nang pumanaw ang nanay ko po noong Agosto 2009, agad pong nag-alok ang dating administrasyon na papatayuan ng rebulto ang aming ina. Tinanggihan po namin ito, dahil alam naming mas gugustuhin pa rin niyang maisaayos ang pamamahala sa bansa, kaysa mapatayuan ng kanyang sariling estatwa. Mas gugustuhin niyang makitang nakatindig ang ating bayan, malaya sa katiwalian at karahasan, kaysa mapatayuan ng sariling rebulto.
May kasabihan nga po iyong mga nakakatanda sa akin: ang sabi po nila, konting bato, konting semento: monumento. May dambana nga sa lansangan, wala namang makain sa pinggan. May estatwa nga sa plaza, wala naman trabaho si Juan. Higit sa anumang rebulto at pagdiriwang, mas maisasabuhay natin ang kadakilaan ng lahat ng bayani ng EDSA kung kikilos tayo para pangalagaan ang kanilang pamana: ang atin pong minamahal na demokrasya.
Ito po marahil ang hamon ni Ninoy at Cory sa atin ngayon: ang araw-araw na isapuso ang diwa ng EDSA People Power Revolution. Noon, milyong-milyong Pilipino ang nagtipon—mapa-sibilyan o alagad ng simbahan—upang tumindig at magkapit-bisig para sa kalayaan. Nagawa nilang harangin ang mga tangke at kanyon, nang walang bitbit na armas kundi pananampalataya at pagmamahal sa kapwa. Taumbayan po mismo ang nanindigan at bumawi sa ipinagkait sa kanilang kalayaan.
Ngayon, matapos ang dalawampu’t anim na taon, malinaw na hindi pa rin tapos ang ating laban. Nitong nakaraang dekada ay muling nabalot sa dilim ang ating bayan, at ngayon, ito na nga po ang nilalabanan at binabago ng atin pong pamahalaan. Sa ilalim ng liwanag ng tapat at mabuting pamamahala, tiwala akong mararating natin ang isang bansang malaya sa korupsyon at kahirapan. Sa tuloy-tuloy nating pagkakapit-bisig sa tuwid na daan, tiwala akong maaabot natin ang isang lipunang malaya sa hudikaturang may dalawang mukha—na may isang sistemang pangkatarungang may pinapanigan, at tungo sa isang balanseng timbangan.
Buo po ang loob ko na kaya nating mapagtagumpayan ang labang ito, na kaya nating makamit ang inaasam nating pagbabago. Anuman pong bigat ang pasanin natin sa ating balikat, hindi po tayo titiklop o magpapatinag. Hangga’t may ngiti tayong naihahatid kay Juan dela Cruz, hindi po tayo mauubusan ng dahilan upang suklian din ng ngiti ang ating paglilingkod sa bayan.
Tandaan lamang po natin: ang trabaho sa pagkamit sa pagbabago ay trabaho ng bawat Pilipino—hindi lamang po ni Ninoy at ni Cory Aquino. Ngayong ganap na tayong malaya, ngayong natatanglawan na tayo ng liwanag ng demokrasya, samantalahin na po natin ito: muli nating pag-alabin ang diwa ng EDSA at ipamalas ang bayanihan, tungo sa isang mas maliwanag na kinabukasan.
Kayang-kaya po natin ito. Tara na po, Pilipino!
Maraming salamat po. Magandang araw po sa lahat.
Tugon ng Punong Mahistrado sa Talumpati ng Pangulo sa La Consolacion College tungkol sa Impeachment Proceedings (ika-17 ng Pebrero, 2012)
Ako po ay nananawagan sa ating pangulo na huwag pakialaman, pangunahan at impluwensiyahan ang Senate Impeachment Court. Mayroon pong proseso ang impeachment proceedings, at iyan po ay nakasaad sa ating Saligang Batas at sa mga alituntunin at kalakaran sa Senado. Hindi po ba’t kayo ang pumili ng hakbang na ito at nagdulog nito sa Senado? Huwag po natin ilayo ang usapin sa proseso ng Impeachment Court at idaan sa media ang paghusga sa akin. Pabayaan po nating umusad ang kaso nang ayon sa batas at sa proseso nito. Gaya po ng una ninyong nasabi, higit na makabubuti kung kayo po ay “magmasid at manahimik muna.”
Doon po sa mga nabanggit ninyong “tila ba sadya tayong hinihilo o inililigaw para mawalan ng interes,” wala po tayong dapat sisihin diyan kung hindi ang inyong mga taga-usig na siyang naglabas ng huwad na listahan ng aking mga ari-arian, naglathala ng aking sahod upang ipakita na wala akong kakayahang bumili, nguni’t hindi naman isinama ang pangkalahatang sitwasyon, at nitong huli, nagharap ng mga palsipikadong dokumento ng bangko. Sino po ba ang talagang nanlilinlang ng taong bayan?
Bilang pangulo ng bayan, hindi po ninyo kailangang “liwanagin ang dapat liwanagin, at ituwid ang isyung pilit dinidiskaril ng ilan.” Tungkulin po iyan ng Senate Impeachment Court. Ang tungkulin po ninyo ay hanapan ng lunas ang lumalalang kahirapan at pagkagutom ng marami nating mamamayan, walang humpay na pagtaas ng presyo ng gasolina at ng ibang pangunahing bilihin, patuloy na demolisyon ng tirahan ng mga maralita, at mabagal na tugon sa mga nasalanta ng kalamidad dala ng kapabayaan sa kalikasan. Itong mga ito po ang dapat ninyong pagtuunan ng pansin.
Bakit po ninyo tinuturuan ang kabataan na maghusga na hindi alam ang buong katotohanan, na iisang panig pa lang ang nadidinig? Ganito po bang “hustisya” at “fair play” ang tinuturo ninyo sa kabataan? Bigyan ninyo po ako ng pagkakataon na magbigay ng aking panig, magharap ng aking ebidensiya, sagutin ang inyong mga walang basehang paratang, at ilahad ang katotohanan. Ito po ang tunay na katarungan at ang naaayon sa ating Saligang Batas.
Kung kayo po ay nababagalan na sa pag-usad ng kasong isinampa ninyo laban sa akin, ang solusyon ay nasa kamay ng inyong mga taga-usig.
Ako po ay naglabas na ng aking SALN. Hindi ko po ito itinatago. Ang hindi po paglathala nito ay ayon sa nabuong patakaran ng Korte Suprema dalawang dekada na ang nakalipas, hindi pa po ako mahistrado. Ang SALN ko po ay aking ipaliliwanag pagdating ng aking oras o pagkakataon, ayon sa proseso ng impeachment proceedings. Marahil, higit na makabubuti kung ilabas na rin ninyo, Ginoong Pangulo, ang inyong SALN, at ipaliwanag ito sa taong-bayan. Siguro, isama ninyo na rin ang inyong bank accounts at psychological records na matagal ng isyu. Mayroon po tayong obligasyon na ipakita sa taong-bayan na maayos ang ating pagiisip.
Hinggil po doon sa nabanggit ninyong kaso na Rabe v. Flores, na kung saan ang isang court interpreter ay natanggal sa serbisyo, dapat po sigurong maipaliwanag sa inyong mabuti ng inyong mga magagaling na abogado na si Bb. Flores ay natanggal sa serbisyo hindi lamang dahil sa hindi niya dineklara sa kanyang SALN ang kanyang paupahan. Si Bb. Flores po ay natanggal dahil sa pangunahing dahilan na tumanggap po siya ng “double compensation” o sahod ng dalawang beses, isa galing sa bayan ng Panabo, Davao, at yung isa mula sa korte.
Sang-ayon po ako sa inyo na dapat hindi na payagang “magpatuloy ang sistema kung saan may nanlalamang at nilalamanagan.” Nasa mga 20 po lamang ang aking mga tagapagtanggol na nagseserbisyo ng libre, laban sa 188 congressmen at humigit kumulang na 60 private prosecutors, lahat sumasahod sa kaban ng bayan. Ito po ba ay tama? Idagdag pa po natin diyan ang BIR at LTO Commissioners, LRA Administrator, Registers of Deeds, BID Commissioner, at marami pang ibang opisyal at kawani ng pamahalaan na inuutusan upang hanapan ako at ang aking buong pamilya ng mga kamalian.
Ginagamit na po ninyo ang buong puwersa ng gobyerno upang ako at ang aking buong pamilya ay apihin at pagmalupitan. Ito po ba ang patas na laban? At matuwid na daan?
Nananawagan din po ako sa taong-bayan. Kontrolado po ng ating pangulo ang buong Executive Department. Kontrolado rin po niya ang House of Representatives. Huwag po nating payagan na mahawakan pa niya ang Senado. Huwag po tayong pumayag na posasan niya ang Korte Suprema at buong hudikatura. Ito po ay para sa ating demokrasya. Ito po ay para sa ating lahat.