Breaking News
Loading...

'Your Face Sounds Familiar' Celebrity Impersonators Revealed




Saksihan ang pagbabagong-anyo ng ilan sa inyong paboritong showbiz personalities sa pinakabagong variety show ng ABS-CBN na "Your Face Sounds Familiar," na magbibigay sa kanila ng total transformation upang maging ka-face at ka-sound ng mga pinakasikat na music icons para maghandog ng kakaibang aliw at concert experience.



Pangungunahan bilang host ng international RnB star at "It's Showtime" host na si Billy Crawford ang local version ng worldwide hit na magsisimula na sa Marso 14 sa ABS-CBN.

"Abangan niyo dahil napakasaya nitong programa. Sana magustuhan niyo ang performances na iaalay sa inyo ng iba pang kasama natin sa industriya. It's just going to be a really fun show and we hope everyone will watch and enjoy it," ani Billy.

Nang tanungin naman kung ano ang kaibahan ng "Your Face Sounds Familiar" sa ibang programang na-host na ni Billy, saad niya, "This show is different because I get to play around with the people who are actually performing, the judges, and myself. 'Yung ako mismo makikipaglaro rin. Tingnan niyo na lang kung ano ang mga kalokohang mangyayari dito sa show."

Ang "Your Face Sounds Familiar" ay isa sa mga programang lisensyado ng Endemol na nagdala rin sa bansa ng matatagumpay na reality at game shows gaya ng "Pinoy Big Brother," "Pinoy Fear Factor," "1 vs 100," "Wheel of Fortune," at "Kapamilya Deal or No Deal." Nagkaroon na rin ito ng matatagumpay na edisyon sa 33 iba't ibang bansa sa bunsa, kabilang na ang USA at UK.

Sa programa, hahamunin ang walong celebrity performers na gumanap at kopyahin ang galaw, porma, mukha, at maging boses ng iba't ibang music icons, local man o international. Sa pamamagitan ng isang iconizer, mare-reveal ang music icon na gagayahin ng bawat celebrity performer para sa susunod na linggo.

Ngunit ang twist ay kailangan nilang eksaktong magaya ang nasabing music icon kahit ano pa man ang kasarian, edad, at istilo nito sa pamamagitan ng isang live performance na siguradong magbibigay-aliw sa mga manonood. Ang performances na ito ang siyang huhusgahan ng kanilang co-performers at ng jury na kinabibilangan ng mga respetadong personalidad sa industriya.

Makakasama sa celebrity performers ang RnB King at bagong Kapamilyang si Jay-R, ang 6CycleMind vocalist na si Tutti Caringal, ang indie actor na si Edgar Allan Guzman, showbiz royalty na si Maxene Magalona, acoustic singer na si Nyoy Volante, komedyana at prinsesa ng masa na si Melai Cantiveros, singer-performer na si Karla Estrada, at pop icon at aktres na si Jolina Magdangal.

Ang performer na makakakuha ng pinakamataas na puntos para sa isang linggo ang siyang magwawagi ng cash prize, na ang kalahati ay ipagkakaloob sa napili niyang charity.

Sa buong season ng programa, linggo-linggong maglalaban-laban ang performers na walang elimination. Bago naman ang finale week, bibilangin ang kabuuang puntos ng bawat performer, at ang apat na top-scorers sa kanila ang muling maghaharap para sa grand finals kung saan ang publiko na ang pipili ng mananalong winner.

Sa paglalaban-laban nila ay ibubuhos ng bawat performer ang lahat ng kanyang alas at abilidad sa tulong na rin ng acting, dance, at vocal training kasabay ng kumpletong make-up transformation para lubos na matugma ang ayos, itsura, at galaw ng assigned music icon.

Sino-sino kaya sa walong celebrity performers ang magbibigay ng total transformation para maging ka-face at ka-sound ng sikat na music icons? Kaninong performances ang pag-uusapan at aangat?

Huwag palampasin ang pagsisimula ng sa "Your Face Sounds Familiar" sa Marso 14 at 15 ng gabi sa ABS-CBN. Para sa updates ukol sa programa, i-like ang www.facebook.com/yourfaceph, at sundan ang @YourFacePH sa Twitter at Instagram.











0 comments :

Post a Comment

Copyright © 2013 Pinoy Power All Right Reserved