Breaking News
Loading...

'Dahil May Isang Ikaw' Premieres in Colombia




Asian Drama King na si Echo, tuloy ang pamamayagpag sa ibang bansa
“Dahil May Isang Ikaw,” mapapanood na sa Colombia

Mapapanood na ang teleseryeng “Dahil May Isang Ikaw,” na pinagbibidahan nina Jericho Rosales at Kristine Hermosa, sa primetime television sa Colombia simula Miyerkules (Oct 18).

Pinamagatang “Corazones Cruzados,” ang naturang serye ang kauna-unahang Pinoy teleserye na ida-dub at eere sa naturang bansa at ipapalabas pa ito sa Caracol, ang pinakamalaking free-to-air TV channel roon.


Ito rin ang ikalawang Filipino content na nakapasok ng Latin American region matapos unang umere ang “Bridges of Love,” tampok pa rin si Echo kasama sina Paulo Avelino at Maja Salvador, noong nakaraang taon sa TV network na PanAmericana sa Peru.

“Ang dami na palang napuntahan ng shows natin at na-realize ko kung gaano kahalaga na maging bahagi ng mga teleserye na ito. Nata-touch natin hindi lang yung puso ng mga Pilipino kung hindi pati na rin ang iba’t ibang tao o lahi sa mundo sa pamamagitan ng ating soap operas. Malaking karangalan sa akin na maging bahagi ng mga ito,” sabi ni Jericho na binansagan Asian Drama King dahil sa mainit na pagtanggap sa kanyang mga serye ng foreign viewers mula Asya, Africa, Eastern Europe, at Latin America.

Taong 2009 nang ipalabas ng ABS-CBN ang “Dahil May Isang Ikaw” at taong 2010 ng mapasama ito sa listahan ng mga nominado para sa best telenovela category ng prestihiyosong International Emmy Awards.

Tampok dito ang kwento ng pag-ibig at pamilya ng mga abogadong sina Miguel (Jericho) at Ella (Kristine) at kung paano hahadlangan ng nakaraan ng mga magulang na kumupkop at nagpalaki sa kanila ang kanilang pagmamahalan. Kasama nila rito sina Lorna Tolentino, Gabby Concepcion, John Estrada, Karylle, at Sid Lucero.

Napapanood ang mga teleserye ng ABS-CBN sa iba’t ibang panig ng mundo dahil sa ABS-CBN International Distribution. Simula ng pinasok ng ABS-CBN ang content distribution business noong 2012, nakilala ito sa merkado ng iba’t ibang bansa bilang pangunahing pinagkukunan ng mga programang Pinoy sa mahigit 50 teritoryo worldwide.

Ang “Pangako Sa’yo,” tampok sina Jericho Rosales at Kristine Hermosa, ay nananatiling pinakamabentang Filipino drama sa buong mundo at unang nilocalize sa ibang bansa partikular sa Cambodia. ABS-CBN din ang unang nakapasok sa Latin American region nang umere ang “Bridges of Love” sa nangungunang TV station sa Peru, ang PanAmericana.

Nananatiling tahanan ang ABS-CBN ng top-rating na mga programa sa telebisyon, box-office na mga pelikula, at hit na mga libro at music albums. Mabilis din itong gumagawa ng marka pagdating sa digital space at patuloy na pinapalawak ang mga serbisyo nito para matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig ng mundo.


Layunin pa rin ng Kapamilya Network na maging ‘in the service of the Filipino’ at makatulong para mapagtibay pa ang pamilya, pagibayuhin ng mga Pilipino ang kani-kanilang mga sarili, makaambag sa pagbuo ng sambayanan, at itaguyod ang Pinoy pride sa pamamagitan makabuluhang content at world-class na talent ng mga Pilipino.

0 comments :

Post a Comment

Copyright © 2013 Pinoy Power All Right Reserved