ABS-CBN Nag-'Thank You' Sa Mga Tumulong sa Yolanda Survivors
Pinasalamatan nina ABS-CBN chairman Eugenio "Gabby" Lopez III, president at CEO Charo Santos-Concio, at ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc. (ALKFI) chairperson Regina "Gina" Lopez ang mga nagpaabot ng donasyon sa ALKFI para tumulong sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda.
"Ang inyong kontribusyon ay nakapagligtas ng maraming buhay at ngayon ay nagpupunla ng bagong simula," sabi ni Gabby Lopez sa video plug ng pasasalamat na ini-ere noong Biyernes (Nov 7), isang taon matapos mag-landfall ang Bagyong Yolanda sa bansa.
"Inihahandog namin sa inyo ang taus-pusong pasasalamat sa inyong pagtulong, pakikiramay, at panalangin. Sa ngalan ng survivors ng Yolanda, ng lindol sa Bohol, at ng conflict sa Zamboanga, thank you. Ang babait po ninyo," dagdag ni Santos.
Nagbigay naman ng ulat si Gina Lopez kung saan inilaan ng ALKFI ang nakalap na pondo na umabot sa mahigit P1 bilyon (in cash at in kind). Ayon sa huli, inilaan ang donasyon sa mga isinagawang relief operations (P2.64 milyon), mga programang pang-edukasyon at pagpapatayo ng mga silid-aralan (P184 milyon), pabahay (P225 milyon), at mga programang pangkabuhayan (P338 milyon).
Bukod sa mga itinalagang lugar ng gobyerno sa ABS-CBN para sa pangmatagalagang rehabilitasyon na Dulag, Marabut, at Sta.Rita sa Leyte, at Basey sa Samar, nakarating din ang tulong ng mga Kapamilya sa iba pang lugar sa bansa gaya ng Bohol, Cebu, Biliran, Antique, Aklan, Oriental Mindoro, Iloilo, Masbate, Capiz, Palawan, at iba pang bahagi ng Samar at Leyte.
Samantala, kasabay din ng paggunita sa ika-unang anibersaryo ng Bagyong Yolanda ay gumulong ang kilalang Teaching, Learning, and Caring (TLC) clinic and classroom-on-wheels ng DZMM sa Mayorga at Pastrana sa Leyte nitong nagdaang Biyernes (Nov 7) at Sabado (Nov 8). Halos 2,000 residente roon ang nahandugan ng feeding program, serbisyong medikal, libreng reading glasses, at iba pa. Pinangunahan ng news anchor na si Bernadette Sembrano ang storytelling para sa mga bata.
Para sa iba pang updates tungkol sa isang taong kwento ng pagbangon at mga proyekto na ALKFI para sa Yolanda survivors, maglog-on lamang sa http://tulongph.abs-cbnnews.com. Para panoorin ang thanksgiving video ng ABS-CBN executives, i-click ang link na ito, http://youtu.be/0UKV7JlgcFQ.
0 comments :
Post a Comment