Breaking News
Loading...

Rachel Gabreza , Wagi sa Stars of the Albion Grand Prix 2018 sa London




Mula sa “Tawag ng Tanghalan” stage ng “It’s Showtime,” iba-ibang bansa naman ang pinabilib ng singer at Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-Aawit (OPM) member na si Rachel Gabreza matapos siyang tanghaling champion sa Stars of the Albion Grand Prix 2018: 5th International Performing Arts Festival & Competition sa London, United Kingdom kahapon (Pebrero 19).


Wagi si Rachel sa professional category ng kumpetisyon at tinalo ang 30 na mga katapat mula sa iba’t ibang bansa gaya ng Russia, Great Britain, Malta, America, Bulgaria, Ukraine, Greece, Cyprus, Estonia, India, Georgia, Armenia, Latvia, at Ghana.
Ang Stars of the Albion ay isang taunang international performing arts festival at competition na inoorganisa ng Musica Nova International Academy of Music sa UK at World Association of Performing Arts kung saan nagsasama-sama ang magagaling na musicians at mananayaw mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Sa naturang patimpalak, inawit ni Rachel ang “Go the Distance” sa unang level nito. Ito rin ang naging unang piyesa ni Rachel sa “Tawag ng Tanghalan” na siyang nagproklama sa kanya bilang isang daily winner noong 2016.
Nagtuloy-tuloy ang tagumpay ni Rachel sa level two ng Grand Prix, kung saan niya itinanghal ang “I Am Changing” ni Jennifer Hudson. Ito rin ang binirit niya para talunin at agawin ang golden mikropono mula sa defending champion ng “TNT” – isang performance na nagkamit ng score na 99% at ikinalaglag pa sa upuan ng punong hurado na si Rey Valera dahil sa kakapalakpak.
Ngayong taon, si Rachel ang ikalawang Kapamilya singer na nagbigay ng karangalan sa bansa at ibinahagi ang talentong Pinoy sa mundo pagkatapos ni KZ Tandingan, na kasalukuyang regular contender sa top-rating show sa China na “Singer 2018.”

0 comments :

Post a Comment

Copyright © 2013 Pinoy Power All Right Reserved